-- ADVERTISEMENT --

BUTUAN CITY- Iniulat ng Quezon City Police noong Biyernes ang pagkakarekober ng karagdagang ebidensya kaugnay sa pagpatay kay Police Master Sargent Diane Marie Mollenido at sa kaniyang walong taong (8) gulang na anak na si John Ysmael, sa isinagawang search warrant sa Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, hepe ng Quezon City Police, ang mga pinagsanib na operatiba mula sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Novaliches Police Station 4, at Quezon City District Forensic Unit (QCDFU) ay nagsagawa ng paghahanap noong Huwebes ng gabi sa bahay ng mga suspek na sina Pia at Christian Panganiban sa Barangay San Agustin.

Sa operasyon, narekober ang mga sumusunod na ebidensya tulad ng 14 na swabbed biological fluid samples na may mga posibleng bakas ng dugo, 8 piraso ng tela na may mga mantsa ng dugo, isang tissue paper na may bakas ng dugo, 9 strands ng buhok na pinaniniwalaang mula sa mga biktima, isang cigarette stub, at limang piraso ng Styrofoam cooler na hinihinalang ginamit upang itago ang baril sa panahon ng krimen.

Ang mga item na ito ay inilipat sa Quezon City District Forensic Unit (QCDFU) para sa masusing forensic examination, habang ang dalawang CCTV units na narekober ay ipinasa naman sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa karagdagang pagsusuri.