-- ADVERTISEMENT --

BUTUAN CITY- Nababahala ang Philippine National Police–Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) sa pagdami ng kaso ng iligal na pagbebenta ng bata nitong mga nakaraang buwan. Anim na kaso ng iligal na pag-aampon ang naitala mula Enero hanggang unang bahagi ng Pebrero, kabilang ang dalawang bagong nailigtas na sanggol sa Angeles City at Baliwag.

Ang unang rescue ay isang 2-araw gulang na batang lalaki na ibinebenta online sa ₱30,000; naaresto ang ina.

Sa ikalawa, isang 3-buwang gulang na batang babae na ibinebenta sa ₱130,000 ang nailigtas, at naaresto ang ina, tiyahin, at lola ng bata. Ayon kay Philippine National Police–Women and Children Protection Center chief Brig. Gen. Maria Sheila Portento, ang pagbebenta ay kaugnay ng pangangailangang medikal at pang-piyansa ng pamilya.

Ligtas na ngayon ang mga bata at naipasa sa National Authority for Child Care. Ang apat na suspek ay kakaharapin ang kasong paglabag sa batas laban sa human trafficking, child abuse, at cybercrime.

Binigyang-diin ni Portento ang panganib ng mga middlemen at ang koordinasyon ng PNP sa social media platforms upang tanggalin ang iligal na anunsyo ng mga bata. Pinapayuhan ang publiko na dumaan sa lehitimong ahensya para sa ligtas at legal na pag-aampon. 

-- ADVERTISEMENT --