-- ADVERTISEMENT --

BUTUAN CITY- Nilinaw ni Kabataan Partylist at spokesperson ng House Prosecution Panel Rene Co, na isinagawa ang pre-trial conference sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis at maging mas maayos ang proseso ng paglilitis sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga katotohanang maaaring pagkasunduan ng magkabilang panig, mga isyung dapat sagutin, at mga ebidensyang ihaharap sa korte. 

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan inihayag ni Co, na hindi pa natatapos ang proceedings dahil sa dami ng mga dokumento at ebidensya na ngayoy kanilang minamarkahan at nilalagyan na ng numero upang maging mas madali ang paggamit ng mga ito sa trial na gaganapin sa Lunes. Sinabi rin ni Co na hindi nagkaroon ng kasunduan ang prosecution at defense sa kanilang proposed stipulation of facts kaya pinayagan silang magsumite ng karagdagang komento at argumento para maresolba ito. 

Para sa House prosecution, nananatili ang kanilang pananaw na hindi pa rin seryosong nasasagot ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya dahil ang kanyang pre-trial brief ay naglalaman lamang ng general denial at walang malinaw na affirmative defenses o kontra-ebidensyang direktang sumasalungat sa mga paratang. 

Gayunman, itinuring ni Co na matagumpay ang pagsisimula ng pre-trial conference dahil naumpisahan na ang proseso at naitakda ang mga susunod na hakbang ng paglilitis. Inaasahan din aniya na mailalabas ang pre-trial order bago matapos ang buwan, habang nakahanda ang House prosecution na iharap ang mahigit 30 testigo na karamihan ay mula sa mga pagdinig ng House Committee on Justice, upang suportahan ang kanilang kaso sa mga susunod na pagdinig.