BUTUAN CITY- Nanawagan ng tulong ang pamunuan ng Missionary Sisters of Mary sa may Baan KM3, Butuan City sa pangunguna ni Sister Maria Genara Sarigumba, Congregational Moderator sa nasabing simbahan, matapos na maiulat na nawawala ang ilang mahahalagang banal na kagamitan mula sa kanilang simbahan noong Nobyembre 12, 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Sister Maria Genara Sarigumba, inihayag nito na kabilang sa mga kinahuhang gamit ay ang mga Tabernacle, Chalice, Monstrance at Ciborium, gayundin ang paglapastangan sa mga itinalagang ostiya na sumasagisag sa Katawan ni Kristo.
Dahil dito, taimtim na nakikiusap si Sister Sarigumba sa sinumang nakabili ng mga nasabing kagamitan, kahit hindi batid ang tunay na pinagmulan ng mga ito, na kusang ibalik ang mga ito sa kapilya, dahil hindi ordinaryong bagay o simpleng bakal lamang ang mga ito na maaaring ipagbili o timbangin, kundi may malalim na kahalagahang espirituwal at panrelihiyon sa pananampalatayang Katoliko.
Binigyang-diin din nito, na hindi nila layuning sisihin o pagbintangan ang sinuman, kundi ang tanging hangarin ay mabawi ang mga banal na kagamitan at maibalik sa nararapat na lugar, kaya hinihiling nito ang pakikiisa ng publiko na magbahagi ng anumang impormasyong makatutulong upang matunton ang mga nawawalang kagamitan.












