BUTUAN CITY- Ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman John Patrick “Pato” Gregorio ang malaking pagmamalaki at kagalakan ng Pilipinas sa pagho-host ng Siargao sa kauna-unahang World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro, kung saan magtitipon ang mga world-class surfer upang magtagisan ng husay sa tanyag na surfing destination na Cloud 9.
Sa isinagawang press conference sa Café Loka, binigyang-diin ni Gregorio ang kahalagahan ng naturang kompetisyon na nagpapakita ng kalidad ng mga alon sa Pilipinas, mainit na pagtanggap sa mga bisita at kakayahan ng bansa na magsagawa ng mga internasyonal na paligsahan.
Pinasalamatan din niya ang suporta ng Office of the President, Department of Tourism, mga lokal na pamahalaan sa Surigao del Norte at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na nagtutulungan upang matiyak ang matagumpay na pagsasagawa ng naturang aktibidad.
Ayon pa sa kanya, ang pakikisalamuha ng mga dayuhang atleta sa lokal na komunidad at pagtikim ng mga pagkaing rehiyonal ay nagpapakita ng tunay na diwa ng sports tourism.
Inaasahan namang higit pang mapatatatag ng naturang kompetisyon, na magpapatuloy ngayong Nobyembre, ang pagkilala sa Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng mga pandaigdigang paligsahan sa palakasan at magsisilbing inspirasyon sa mga bagong henerasyon ng mga Pilipinong surfer.












