BUTUNA CITY-Mas lumakas pa sa pagiging tropical storm ang bagyong Basyang.
Ayon sa Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakita ang sentro ng bagyo sa 560 kilometers ng Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Mayroong taglay na lakas ng hangin nito na aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugso ng hanggang 80 kph.
Nakataas na sa Tropical Cyclone Wind Signal number 2 ang Surigao del Sur.
Habang nasa signal number 1 naman ang mga lugar ng: Guiuan, Salcedo, Mercedes, Giporlos, Balangiga, Lawaan, Quinapondan, General Macarthur, Hernani, Llorente, Maydolong, Balangkayan, City of Borongan, San Julian, Sulat, Taft sa Eastern Samar; Marabut, Basey, Santa Rita, Villareal, Pinabacdao, Calbiga, Hinabangan, San Sebastian, Talalora, Daram, Zumarraga sa Samar; Biliran; Leyte; Southern Leyte; Bohol; Cebu; Siquijor;Negros Oriental; Negros Occidental; Guimaras at Iloilo.
Kasama rin na nakataas sa signal number 1 ang mga lugar ng : Dinagat Islands, Surigao del Norte, Agusan del Norte, Agusan del Sur; Boston, Cateel, Baganga sa Davao Oriental; Compostela, Monkayo, Montevista, Laak sa Davao de Oro ; Kapalong, San Isidro, Asuncion sa Davao del Norte; Misamis Oriental, Camiguin; San Fernando, City of Malaybalay, Cabanglasan, Impasug-Ong, Malitbog, Sumilao, Manolo Fortich, Libona, Baungon, Lantapan sa Bukidnon.
Inaasahan magla-landfall ang bagyong Basyang sa bahagi ng northern Mindanao sa Huwebes ng gabi o hanggang Biyernes ng umaga.
Pagdating ng araw ng Sabado ay tatawid ang bagyo sa Palawan bago pupunta sa direksyon ng West Philippine Sea.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga lugar na apektado ng bagyo kung saan magdudulot ng pag-ulan ang bagyong Basyang.












