BUTUAN CITY- Hinamon ni Senador Rodante Marcoleta nitong Lunes si Philippine Coast Guard West Philippine Sea spokesperson Commodore Jay Tarriela sa isang “friendly debate,” bilang tugon sa imbitasyon ng huli na sumama ang Senador sa isang maritime domain awareness flight patungong Kalayaan Island Group (KIG).
Ayon kay Marcoleta, dapat ding isama sa debate sina retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at UP Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea Professor Jay Batongbacal, upang aniya’y maayos ang usapin para sa kapakanan ng bansa.
Bilang tugon, sinabi ni Tarriela na ang West Philippine Sea ay hindi na usapin ng debate kundi ng malinaw na batas, pambansang interes, at makabayang tungkulin.
Iginiit niyang ang teritoriak rights ng Pilipinas ay hindi dapat kuwestiyunin sa pampublikong diskusyon, at binalaan si Marcoleta na ang ganitong pahayag ay maaaring makasira sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang Senador.
Naniniwala rin si Tarriela na tatanggi sina Carpio, Batongbacal, at iba pang Pilipinong may sapat na kaalaman sa isyu na makilahok sa naturang debate.
Maaalala, naging kontrobersiyal ang pahayag ni Marcoleta matapos ipahiwatig na maaaring isuko ng Pilipinas ang KIG, pahayag na kanyang binawi kalaunan.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Tarriela sa mga naging pahayag ng Senador, at sinabing nakakabahala na ang isang halal na opisyal ay tila pinahihina ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.












