BUTUAN CITY- Hindi makikibahagi so dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng video conference sa nakatakdang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Nicholas Kaufman.
Ayon kay Kaufman, hindi rin umano kusang-loob na humarap ang dating Pangulo sa pamamagitan ng video link noong kanyang initial appearance.
Iginiit din niya na tinanggihan ang kanilang hiling na ipagpaliban ang unang pagdinig upang makadalo siya nang personal at maitaas ang isyu ng legal competence ng dating Pangulo.
Tumanggi naman ang lead counsel na sagutin kung personal na haharap sang dating Pangulo o iwi-waive ang kanyang karapatan na dumalo.
Batay sa abiso ng International Criminal Court (ICC), gaganapin ang pagdinig mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, oras sa The Hague (alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi sa Pilipinas), sa Pre-Trial Chamber I.
Sa pagdinig, bibigyan ng takdang oras ang prosekusyon, depensa, at mga abogado ng mga biktima upang ilahad ang kanilang argumento.
Layunin ng confirmation hearing na alamin kung may sapat na ebidensya upang ituloy ang kaso sa Trial Chamber para sa ganap na paglilitis.
Susundan pa ito ng mga pagdinig sa Pebrero 24, 26 at 27.












