BUTUAN CITY- Inihayag ng Malacañang ngayong Sabado, Enero 31 na hindi napag-uusapan sa ngayon ang Charter Change (Cha-Cha) o proseso ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Atty. Claire Castro, sa huling pakikipagpulong ng Pangulo sa kaniyang economic team nitong Biyernes, Enero 30, 2026, hindi natalakay ang hinggil sa Cha-Cha.
Sa halip, nakatutok aniya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Subalit, ayon kay USec. Castro, sakaling mayroon nang nagawang hakbang ang mga mambabatas hinggil sa naturang usapin, aaralin naman aniya ito ng Pangulo.
Ginawa ng Palace official ang pahayag kasunod ng pronouncement ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na susuportahan niya ang mga plano para amyendahan ang 1987 Constitution sakali man aniyang isulong ito.
Ito ay matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang ruling nito na nagdedeklarang unconstitutional ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Ayon kay Sotto, malinaw umanong panghihimasok sa kapangyarihan ng lehislatura ang pakikialam ng Korte Suprema sa proseso ng impeachment na aniya’y eksklusibong tungkulin ng Kongreso. Giit pa ng senador, dahil sa naturang desisyon ay nagmistulang inamyendahan na rin ng Korte Suprema ang Saligang Batas.
Dahil dito, sinabi ni Sotto na mas makabubuti umanong ang Kongreso na mismo ang magpasimula ng charter change, taliwas naman ito sa dating posisyon ng Senador dahil dati niya itong tinututulan subalit ngayon handa na raw niya itong suportahan.
Matatandaan naman na base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa takbo ng ekonomiya noong 2025, natapos ang taon ng mayroon lamang 4.4% gross domestic product (GDP). Ito ang ikatlong sunod na taong nabigo ang pamahalaan na maabot ang target nito dahil sa epekto na rin ng mga tumamang kalamidad at flood control corruption scandal na nakaapekto sa kumpiyansa ng mga investor at konsyumer.
Kaugnay nito, sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na puspusan ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagpapahusay pa sa mga serbisyo ng gobyerno na nakikita at nararamdaman ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.












