BUTUAN CITY-Binabantayan na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang air at water assets ng maraming indibidwal at daan-daang korporasyon dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa korapsyon.
Sa kabuuan, mayroong 140 indibidwal ang iniimbestigahan kasama ang hanggang 300 korporasyon.
Paliwanag ni ICI Technical Working Group Chairman Usec. Aboy Paraiso, hindi pa naka-freeze ang mga naturang asset dahil inaalam pa kung sino ang tunay na nagmamay-ari sa mga ito.
Ang ilan aniya ay nakapangalan o itinago sa ilalim ng kilalang petroleum company (Shell).
Kung matunton aniya ang tunay na may-ari at matukoy na naka-rehistro sa kanila ang mga naturang asset, agad maghahain ang komisyon ng aplikasyon paa sa freeze order laban sa mga ito, upang hindi na magamit o maibenta pa.
Giit ni Paraiso, nais ng ICI na mapigilan ang pagkakagamit at pagkakabenta ng mga asset na posibleng nabili sa pamamagitan ng pondong ninakaw mula sa kaban ng bayan, tulad ng flood control funds, upang maiibalik muli sa gobiyerno.
Ayon pa kay Paraiso, ang pagkaka-freeze sa bilyon-bilyong pisong halaga ng ari-arian ng dating mambabatas na si Zaldy Co at iba pang personalidad ay bahagi lamang ng inisyal na panalo ng pamahalaan, at ang tuluyang pagkakabawi sa mga nakaw na yaman ay isa sa mga pangunahing layunin ng binuong independent commission.












