BUTUAN CITY- Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa posisyon na hindi pagsuko ng kahit isang pulgadang teritoryo ng Pilipinas kasunod ng pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na tila nagmumungkahi na isuko ang Kalayaan Island Group (KIG) dahil sa tensyon sa China.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippines Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, mandato ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na protektahan ang soberanya at integridad ng bansa.
Kasama sa teritoryong ipinangakong poprotektahan ng AFP ang Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc, na inaangkin rin ng ibang bansa.
Saad ni Rear Adm. Trinidad, hindi kailanman nag-atubiling gampanan ng AFP ang mandatong ito at napatunayan natin ito sa kasaysayan.
Matatandaan noong nakaraang linggo, sinabi ni Marcoleta sa Committee on Appointments na dapat “isuko” ang KIG, ngunit nilinaw niya na “taken out of context” o inalis sa tamang konteksto ang kanyang pahayag.
Tinanggihan naman nina Senate Majority Leader Miguel Zubiri at Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang ideya ng pagsuko sa naturang teritoryo at iginiit nila na malinaw ang prinsipyo na hindi isusuko kailanman ang Pilipinas, kasama ang West Philippine Sea at Kalayaan Island Group.












