-- ADVERTISEMENT --

Maraming, maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Education, Education Secretary Edgardo Angara. [Magsiupo po tayo para puwede kong patagalin ‘yung aking speech.

Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos; Ilocos Norte 2nd District Representative Angelo Barba; Ilocos Norte Provincial Governor Matt Manotoc; the Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann; mga kalahok ng Palarong Pambansa ng 2025; mga kagalang-galang na mga panauhin; mga kasama ko sa lingkod-bayan; mga binibini at ginoo. [Ilocano] Good evening po sa inyong lahat.

Una po sa lahat, sa lahat ng mga ating atleta, sa ating mga coach, lahat ng ating mga trainer, lahat ng ating mga magulang, at mga mahal sa buhay ng ating mga atleta, welcome po sa inyong lahat sa aming ipinagmamalaking probinsya na Ilocos Norte. [palakpakan]

Sa ating mga atleta, masaya akong makasama kayo dito ngayon sa Palarong Pambansa.

Alam kong excited at kinakabahan ang ating mga atleta. Eh baka pa ‘yung mga iba, hindi na makatulog at hindi makakain. Matapos ang ilang buwan na paghahanda, nandito na kayo upang ipakita ang galing ninyo sa pagsusubok ng sports.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi madali ang inyong pinagdaanan. ‘Yung oras na ipapahinga ninyo na lang dapat, eh gagamitin ninyo pa sa practice at saka sa training. Mag-aaral sa umaga, tapos ensayo sa hapon. Minsan kulang pa sa gamit o sa panggastos.

Ngunit, wala sa inyo ang sumuko. Araw-araw, nagsisikap kayong tumakbo nang mas mabilis, lumangoy nang mas mabilis at mas mahaba, tumalon nang mas mataas. Kaya naman, kaming lahat bilib sa inyo, sa inyong galing, sa inyong tibay, at sa inyong dedikasyon.

Nakakatiyak ako na kayong lahat ay ninanais niyo, gusto niyo na magkaroon ng medal. Ngunit tandaan niyo, lahat kayo ay kinikilala ng kampeon. Kayo ang pinakamagaling sa inyong paaralan. Kayo ang pinakamagaling sa inyong probinsya. Kayo ang pinakamagaling sa inyong rehiyon.

Magandang halimbawa kayo sa kabataang Pilipino—na may pangarap sa buhay at determinasyon upang matupad ito.

Kami naman sa pamahalaan, hangga’t sa abot ng aming makakaya, ginagawa po namin ang lahat para matulungan kayong maging mahusay na manlalaro.

Ngayong araw, dito sa Palarong Pambansa kayo naman ang kasali. Sa susunod, kayo na ang kinatawan ng Pilipinas sa Asian Games at saka sa Olympics. Kaya paghusayan ninyo.

Puwedeng kayo mayroon… Malay natin dito sa mga kasama natin na ito mayroon diyan na lilitaw na Manny Pacquiao, na Hidilyn Diaz, na Carlos Yulo, na Aira Villegas, na Nesthy Petecio, na EJ Obiena, o Alex Eala. Si Hidilyn, nandito pa tayo, kasama natin dito ngayon. Idol Hidilyn! Mabuhay ka! Malaki ang dangal na dinala mo sa ating minamahal na bansa.

Tulad nila, ipagpatuloy lang ninyo ang inyong pangarap.

Mag-training araw-araw, mag-aral nang mabuti, sumunod kayo sa inyong mga magulang, at alagaan ninyo ang inyong kalusugan.

Ang gobyerno ay laging nasa likod ninyo. Tutulungan namin kayong maabot ang inyong mga pangarap. Dahil ang panalo ninyo panalo na rin namin.

Pero higit sa pagkapanalo, mas mahalagang matutunan ninyo ang disiplina, ang halaga ng pakikipagkaibigan, at ang mag-enjoy naman sa inyong favorite sport—manalo man o matalo.

Tandaan ninyo: Ang taong lumalaban, hindi natatalo. Losers are those who fail to try. Winners are those who try, and maybe they fail, but then try again and do not stop trying until they win and succeed.

Kaya napakahalaga ng papel ng mga magulang ninyo, mga guro, mga coach na nagbibigay sa inyo ng payo at pagmamahal sa bawat hamon na inyong hinaharap.

Binibigyang-pugay ko rin ang inyong mga magulang, ang mga lolo, ang mga lola, ninong, ninang, tiyuhin, tiyahin at lahat nang gumabay sa inyo. Nag-ambag sila ng oras, pera, at panalangin upang suportahan ang inyong pangarap.

Kaya’t bago tayo magtapos, nais kong pasalamatan ang lahat ng tumulong na maisakatuparan ang Palarong ito.

At ngayon, sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas, opisyal kong idinideklara ang pagbubukas ng Palarong Pambansa para sa 2025!

Maraming salamat! Mabuhay ang mga atleta!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

(Transcript: Presidential Communications Office)