BUTUAN CITY – Nagpalabas na ng resolusyon ang National Bureau of Investigation (NBI) National Capital Region na nagrekomendang sasampahan ng kasong murder sina Manobo chieftain Datu Calpito Egua alyas Datu Calpit Egua, Bobby Tejero, Leo Tejero, Margarito Layno, Acebedo, at iba pang 32 mga indibidwal.
Ito’y kaugnay sa brutal na pagpatay kina Emerito Samarca, 54-anyos, Executive Director ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (Alcadev); Dionel Campos, chair ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (MAPASU), isang lumad organization na nagpoprotesta sa mining operations, land conversions at mga plantations; at Bello Sinzo sa Lianga, Surigao del Sur.
Ang nasabing hakbang ay ginawa ng NBI matapos magpalabas ng resolusyon nitong Mayo a-23 ang justice department kaugnay sa nasabing kaso.
Maliban sa murder ay nahaharap na rin ang mga suspek sa mga kasong destructive arson dahil sa pagsunog sa iilang mga istraktura ng ALCADEV at ng MaPaSu Cooperative store at andyan pa ang mga kasong grave coercion at grave threats.
Una ng naghain ng mga kasong multiple murder, robbery, extortion, at grave threats ang Police Regional Office 13 laban sa mga Tejeros, kay Layno,at iba pang 20 mga katao.
Ang imbestigasyon ng NBI ay nagsasama sa kaso ng 37 katao dahil sa “premeditated” attack kungsaan ang kanilang mga saksi ay ang mga dating paramilitary fighters na ngayon ay naging mga whistleblowers.
Ayon sa mga saksi, si Datu Calpit umano ang nagplano sa nasabing pang-aatake at nag-assign ng “main force” na syang nagdala sa mga tao sa basketball court pati na sa dalawang mga “blocking forces” na syang nagbantay naman upang di makakatakas ang mga tao.